Litanya ng isang insomniac
Kusang lumalalim
ang gabi kahit walang tagahukay
sinisilip ang
takipsilim ng umagang hindi dumarating
ayaw dapuan ng
antok
ni minsan hindi
kumakatok
sa mga katulad kong
minumulto
ng mga lumipas sa
lahat ng sulok.
Bakit hindi mo
lisanin ang matandain kong alaala?
Bakit ayaw mo ako
ihatid sa pampang ng umaga?
Bakit hindi kita
malimot
dalawang taon na
rin akong binabangungot
ng mga
‘di-makaligtaang nakaraan
mga alaalang walang
libingan
ang iyong mukha at
pangalan
aking mga tula
hindi lang minsan.
Sadya bang ganito
ang mga sinumpang sumpaan?
Ang puso ko ay
malaya ngunit bilanggo sa iyong piitan
Naiisip mo ba ako
sumasagi, natatanto?
Dahil ikaw ay palagi
madalas hinahabi
tinatahi ng aking
isip at puso kong tumitigil
ang iyong bawat
sandali
nakalipas at
pagkukusa
lubos at ganap kong kamalayan
diwa ng tumatakas na pagmamahalan.
Marahil ikaw ay
nahihimbing na
payapa ang piling
walang alintana
walang bagahe
hindi tulad ko
tunay na madami
Ang pinakamasakit
ay hindi mo malaman
na hanggang ngayon
ikaw ang laman ng tumatakas kong ulirat
katinuang hindi
sumasapat
kay hirap mong
lisanin
patiwakal kung
gagawin
ngunit saan kita
dadalhin
saan kita
hahanapin?
Sabi mo, ang
pag-ibig muling kumakatok
Ang sabi ko,
ngayong gabi ang tanging nais ko ay yakap
at haplos ng antok.
030804