Bagahe
Lubusang bagahe ang iyong mga alaala sa akin. Halos makuba
ako sa pagbibitbit ng mga dalahing ito ngunit patuloy ang aking pagkarga,
patuloy ang pagdala ko sa iyo. Male-maleta ng iyong nakaraan ang aking
araw-araw na dinadala. Sa mga makikipot na daan na minsan lamang dapuan ng
liwanag, sa mga eskinitang tinambayan ng aking lungkot at pagdurusa, sa mga
kalsadang inaspalto ng luha, pagod at kawalan ng pag-asa, sa mga baku-bakong
lansangang madalas ko tirikan. Dito,dito kita pilit tinatawid.
Madalas, gusto na kita iwan, madalas gusto na kita itapon sa
mga matatarik na bangin ng pagkalimot, madalas gusto na kita ibaon sa aking
baul at ilibing ito sa kinakalawang kong puso, ngunit ikaw ang tipo ng bagaheng
hindi ko maisantabi, maiwan at maitapon.
Hanggang kailan kaya kita papasanin, hanggang kailan ka kaya
manunukso ng mga baka at posibilidad sa aking naghihingalong pagsusuma, kung
may pag-asa pa nga ba tayo? Male-maleta ang iyong nakaraan na umiikot sa aking
gunita, kahon-kahon ang ating mga away at hindi matapos na paalam sa isa’t isa.
Alam ko ganito ka rin dati. Naglalakad ng nakayuko, halos
mabali ang mga buto sa mabibigat na pasanin. Ngunit sabi mo nga ikaw ay
lubusang masaya na, sa ganyan, walang hinahanap, walang ginugusto, walang
hinihintay.
Bakit ba tayo umabot sa ganito? Sino ang makakapagsabi na
magpapalitan tayo ng mga mala-punyal na salitang hindi natin alam kung saan
hinugot, na magbibigayan tayo ng sakit at pighati at sa dulo halos pumasan ng
mga kabundok na pasanin at bagahe na ‘di nagpapatulog sa atin sa maraming gabi?
Mahal na mahal pa rin kita. Ngunit baka tama ka nga na
malamang hindi na rin sasapat ang mga ito. Wala na siguro sasapat. Wala ng
makakahatid sa atin sa pampang upang maging tulad ng dati.
Naiisip parin kita. Naluluha pa rin ako sa mag paulit-ulit
na bangungot ng ating nakaraan. Hanggang kailan kaya kita papasanin? Hanggang
kailan kaya kita titiisin?
Ikaw ang aking pinakamasaya, pinakamaganda at
pinakamalungkot na bagahe at alaala.
Nakakakuba magmahal at ang pagtatangkang lumimot…
sashaninel feb2007
February 23rd, 2007 at 2:36 pm
‘Love is so short; forgetting is so long’ — Pablo Neruda.
Tol, a reflective piece for you which I posted in my blog more than two years ago: http://agoodgame.blogspot.com/2004_12_01_archive.html.
